21 February 2008
DLSU-D Pebrero 18, 2008 ANG PANAWAGAN NG PAMILYANG LASALYANO NG DASMARIÑAS, CAVITE
Tayo ngayon ay nalalagay sa panahon ng kaguluhan, korupsyon at kawalan ng katapatan mula sa pinakamataas na antas ng ating gobyerno. Ang mapayapa, demokratiko at tapat na paghahanap sa katotohanan at hustisya ng sambayanang Pilipino ay sistematikong sinusugpo, hinahadlangan o di kaya’y binabaluktot upang mapanatiling nasa kadiliman ang taumbayan. Ang hinaing at panawagan sa katotohanan at hustisya ay hindi bulong lamang ng iilan sa kawalan. Ngayon, ay lalo pang dumarami ang mga sektor ng lipunan na kumikilos upang mailabas ang katotohanan at makamit ang hustisya. Kasama ng mga tapat na opisyal ng gobyerno at ang mga grupo mula sa iba’t-ibang sektor ng lipunan (ang mga relihiyoso, kabataan, estudyante, guro, manggagawa at mga naisasantabi tulad ng mga maralitang taga-lungsod at iba pa), kaming mga miyembro ng Pamilyang Lasalyano sa Dasmariñas, Cavite, gabay ng mga dakilang aral ni San Juan Bautista De La Salle at mga Prinsipyong Gabay ng Pamilyang Lasalyano, ay nakikiisa sa panawagan para sa katotohanan, katapatan, at pananagutan ng mga tiwaling opisyal sa pamahalaan. Kami ay nananawagan sa: 1) Kataas-taasang Hukuman upang agarang resolbahin ang isyu ukol sa temporary restraining order na ipinataw nito upang ipahinto ang pag-imbita kay Kalihim Neri na magsalita sa Senado ukol sa mga nalalaman nito sa ZTE – NBN Deal; 2) Senado na ipagpatuloy ang pagdinig sa ZTE – NBN Deal at iba pang mga anomalyang kinasasangkutan ng rehimen ni Gloria Macapagal – Arroyo upang malaman at panagutin ang mga tiwaling opisyal na nagkasala sa sambayanang Pilipino; 3) Sambayanang Pilipino na sumama at makilahok sa mga mapayapa at demokratikong pagkilos, mobilisasyon at pagbubuklod-buklod hanggang sa makamit natin ang matagal na nating minimithi: katotohanan; hustisya; maka-tao, makabayan at maka-Diyos na panunungkulan. KATOTOHANAN AT HUSTISYA PARA SA KAPAYAPAAN MAMULAT, MAKIISA AT KUMILOS! • Social Transformation through Advocacy and Reforms (STAR) Committee • Faculty Association (FA) • University Student Council (USC) • Council of Student Organizations (CSO) • Kabalikat ng DLSU-D (KND) – (DLSU-D employees association) • Parents of La Salle Cavite (POLCA)
|
0 comments:
Post a Comment